“TANGINANG BUHAY TO!!” Madalas naririnig sa mga taong sawi sa pag-ibig, baon sa utang, walang pera, at mga kung anu-ano pang problema. Mahirap huminga ng maluwag, hindi alam ang gagawin, balisa at hindi makakain. Ano nga ba ang talagang kahulugan ng buhay? Naitanong n’yo na ba yan sa sarili? Ano ba ang pakinabang natin sa lipunan? Ano ba kahihinatnan natin at saan patutungo ang ating buhay?
Lahat ng tao ay naghahangad ng kaginhawaan sa buhay. Mayroon tayong iba’t ibang kahulugan para sa maganda at matiwasay na buhay. ‘Yung iba, gustong maging mayaman.. mayamang mayaman. Umaapaw ang pera sa bulsa na tipong ang kasiyahan ay nasa materyal na bagay, luho kumbaga. May mga tao naman na kuntento lang na makakain ang pamilya tatlong beses sa isang araw. May mga taong hangad ay kapangyarihan sa lipunan at gagamitin sa pansariling kaginhawaan, kupal kumbaga.
Walang taong isinilang na walang problema. Lahat ay makakaranas nito. Bakit nga ba nakakaranas ang buhay natin ng tinatawag na “PROBLEMA”? Mahirap sipatin ang tunay na kasagutan para dito.
“Life isn’t that so hard.” Simple lang at hindi ginagawang komplikado. Sasabay sa agos? Gas-gas na linya na yan. Bakit hindi nating subukan palitan ng “Lalaban ako sa pag-agos.” Salubungin natin ang problema, Harapin ang responsibilidad at ‘wag na ‘wag tatalikuran.
May tinatawag tayong “PAGSASAKRIPISYO”. Ang pagsasakripisyo sa isang bagay ay isang paraan upang tanggalin o magtanggal ng isang bahagi mo sa buhay na sa tingin mo ay ikababagal ng pag-usad mo sa buhay. Hanapin sa sarili kung ano ang mga bagay na dapat tinatanggal na, tulad ng mga walang kwentang gawain. Hindi ko na kailangan pang isa-isahin dahil kayo na mismo ang makakasagot nito.
Magtuon lamang ng prayoridad sa buhay at kumilos ng naaayon sa kagustuhan, makikita mo ang tunay na kahulugan ng buhay mo. ‘Wag matakot sumabak, humarap ka at maging bukas ang isipan sa pakikipagsapalaran sa mundong ibabaw, ‘dun mo makikita ang “ETERNAL HAPPINESS.”
Siksikan sa daan, may saksakan sa kanto.
Nabangga si Elsa, sino sisisihin mo?
Maraming taong nabuhay sa maling pananaw.
Maraming taong nabawian ng buhay, pumanaw.
Kasalanan ng isa, kasalanan ng lahat.
Itong si makata na’to, ang daming naisusulat.
Sa gintong papel, ang pera’y di sapat.
Gamit ang likidong papel, dahil sa pera ay salat.
Sa pag-ahon, tamis ang tinatamasa,
Ang sistema, nabaon sa panis na lasa.
Naghikahos dahil sa bigong pangarap,
Sa buhay ngayo’y hirap na hirap.
Saksi ang mga bituin at buwan sa kalangitan,
Sa aking tinatahak na magulo at masalimuot na daan.
Tinanong ang sarili, bakit, saan, at ano ba ang pupuntahan?
At biglang napalingon sa likod at tinatanaw ang pinanggalingan.
Patuloy kong tinahak ang landas na baluktot,
Sa kabila ng pagkakaalam na ako pari’y lugmok,
At ‘di maiwaglit sa isipan na ako ay malungkot,
Nag-iisa sa landas na balot ng kadiliman at maitim na usok.
May mga elementong naengkwentro, malalakas, at mababagsik,
Na tila ba’y sa pag-usad ko, gusto akong hilahin pabalik.
Nagpatuloy ako sa paglalakad at binuhos ang buong lakas,
Dahil nananalig ako na sa dulo nitong landas,
May haharapin akong magandang bukas.
Lumingon ako pabalik at ang maduming bakas aking tinignan,
Alam kong malabo ko nang maibalik ang aking nakaraan.
Ngunit gayunpaman, sa aking daan na nilalakaran,
May lupa akong tatapakan, na pwede ko pang pagsimulan.
“Nasa’n na’ko?” naitanong ko sa sarili.
Pakiramdam ko’y wala ng direksyon ang aking kapaligiran.
Hinahanap ang sarili, at nagbalik-tanaw sa mga nagawang pagkakamali.
At doon ko nakita ang butas ng mga kasalanan at hidwaan.
Umabot na ako sa dulo at may nakaharang na malaking pader sa daan.
Ako’y biglang nawalan ng pag-asa, at nagtanong “Eto na ba ang katapusan?”
Umupo sandali, nagpahinga, at nag-isip ng mga paraan,
Kung pa’no ko masisilip ang kabilang ibayo, gumawa ako ng hagdan.
Itinaya ko ang aking bukas, ‘di ko alam ang mangyayari sa’kin.
Inakyat at sinilip ko, nakita ko may bagong daan na tatahakin.
Ininda ko, ang balakid kahit kamatayan ang pwedeng sapitin.
Sinakripisyo ko ang lahat, at lahat ng sakit ay titiisin.
Nilakad ko ang daan patungo kung saan,
‘Di ako sigurado kung ano ang kahihinatnan.
Kakaiba ang kalsada kumpara sa isa, dito medyo patag,
Kaya nabawasan aking pangamba, nakaramdam ng pagkapanatag.
Diretso at tuwid ngunit ang daan ay madilim,
Wala akong nagawa kundi huminga na lang ng malalim.
Diretso at tuwid ang aking mga mata sa pagtingin,
Ang pangamba ay hindi ko kayang alisin
Sa aking isipan, na ang daang tinatahak ay walang katapusan.
Bagkus malakas ang loob, ‘di maiiwasan ang pag-aalinlangan.
Puno ng pagkabagot ang aking nararamdaman,
Mag-isang naglalakbay at hindi alam ang gagawin.
Tuloy-tuloy ang paglakad, at nakaramdam ng kapaguran.
Kaya umupo ako at lumanghap ng sariwang hangin.
Tumingin ako sa malayo, kanan at kaliwa,
At biglang sumagi sa isip, “Bakit kay ‘di ako tumingala?”
Pinagmasdan ang madilim na kalangitan, at ako’y humiga.
At kalmadong huminga, sabay ng pagpatong ng ulo sa aking mga kamay.
Ako’y nagmuni-muni, “Bakit ba sa akin ay walang umaalalay?”
At nagpagtanto sa aking sarili na may liwanag pala na sa akin ay gumagabay,
Na matagal nang nagsilbing ilaw, simula nang ako’y maglakbay.
Saksi ang mga bituin at buwan sa kalangitan,
Kayo ang nagbigay ng liwanag sa akin dinaraanan.
Ang liwanag ninyo ang huhubog ng aking kapalaran,
At pangakong hindi susukong huminto sa aking nilalakaran.